Pag laki ko, gusto kong maging…

Pag laki mo, anong gusto mong maging?

Usong tanong yan noong elemetary.

What is your ambition? English pag sa slum book.

Pagandahan ng sagot.

Doktor! Engineer! Nurse! Abogado! Dentista! Piloto! Teacher! Pulis! Sundalo! Presidente ng Pilipinas! Kurakot! Oooops. Hindi related ang huling dalawang kataga.

‘Wag muna natin pag-usapan ang negative. Ipaubaya na natin yan sa mga haters at bashers na ayaw maniwalang may pagunlad na nagaganap sa bansang Pilipinas.

Ang pag-usapan natin ay ang mga matatayog na pangarap ng mga bata, ang mga pangarap natin dahil lahat tayo’y minsan naging bata.

Isang araw, sa pakikihalubilo ko sa mga bata sa isang bahay sa Rizal, tumabi sa akin si Ruffa Mae (totoo niyang pangalan, walang biro) at walang kaabog-abog na nagtanong, “Ate Yna, pag laki mo, anong gusto mong maging?”

Tiningnan ko siya, ngumiti, at tumingin sa malayo.

“Pag laki ko, anong gusto kong maging?”

Ang una kong naisip, mali ang tanong niya. Malaki na ako. Dapat ang tanong niya, “natupad mo ba ang gusto mong maging?”

Sa puntong iyon, nakaramdam ako ng kaunting lungkot. Dahil kahit isa sa ginusto ko ay hindi naging.

Noong bata ako, ginusto kong maging dentista. Pagkatapos, naging titser, tapos piyanista, tapos pintor, tapos artista, tapos arkitekto, tapos espiya, tapos manunulat, tapos negosyante, tapos piloto, tapos kemist, tapos abogado, tapos… Natapos na. Huminto na akong mangarap.

Ngayon, isa akong lisensyadong nars na nagbibilang, hindi ng pulso pero, ng pera ng iba. Ang tanging gamit ng isopropyl alcohol sakin ay para maglinis ng kamay pagkatapos magbilang ng pera at bago humawak ng pagkain. Asan banda ang mga pangarap ko dyan?

Wala.

Pero okay na ako dito. Ang sarap kaya ng buhay ko. Isang sakay mula sa bahay hanggang sa trabaho. Maghapong nasa loob lang at naka-aircon. Minsan may libreng pizza sa meryenda. At higit sa lahat, sumsusweldo ako ng sapat para sa payak na pamumuhay.

Pero ang pinaka super mega higit sa lahat, wala man isa sa mga pangarap kong yan ay natupad, dinala ako ng Diyos sa kung nasaan ako dapat. Kung hindi ako nag-nursing, hindi ako mag-aaral sa Trinity, baka hindi ako na-invite sa Victory at hindi ko nakilala ang mga taong nagpakilala sakin kay Jesus, baka hindi ko alam ang saysay ng buhay ko ngayon, at baka mas malala pa ang kinahinatnan ko. Dinala Niya ako sa lugar na pinaka-magagamit Niya ako.

May reason si God bakit ang buhay ko ay parang halo-halo.

Nang hindi ako sumagot agad, naiinip si Ruffa Mae.

“Ang tagal naman,” wika niya.

Ramdam kong gusto niyang sagutin ko ang tanong niya at sabihing, “ikaw, anong  gusto mong maging?”

Walang mali sa tanong niya. Kailangan ko itong sagutin.

image
Photo source: http://www.revcruz.deviantart.com

Hindi naman nawala yung mga gusto ko. Yung iba, sure akong hindi ko na gusto. Pero karamihan, andyan pa rin at paminsan-minsan ay kumakatok mula sa kailalaliman ng baul ng aking ulirat. Natabunan lang sila ng mga alinlangan, takot, at duda na nadampot ko habang ako’y lumalaki.

Ngayon, kailangan ko silang halukayin, pagpagan ng alikabok. Kahit malaki na ako, kahit sa tingin ko ay solb na’ko sa buhay ko, kailangan kong mangarap muli. Dahil pwede pa.

Kahit malaki na’ko, marami pa akong pwede maging.

Mangangarap ulit ako at hindi para sa pansariling ambisyon. Mangagarap ako para sa mga taong mahal ko. Mangagarap ako dahil tinawag ako.

A life spent living for Jesus and on helping others live for Him is a life well-spent.

Sinagot ko ang tanong niya. Hindi niya masyado na-gets bakit yun ang gusto kong maging.

Tinanong ko siya. Gusto niya maging doktor.

Hindi ko muna sasabihin kung anong sinagot ko sa kanya. Gagawin ko na lang. Basta, ang sabi ko sa sarili ko, tutulong ako–hindi sa abot ng aking makakaya, ngunit–sa abot ng makakaya ng aking Diyos para maging doktor siya pag laki niya.

Ikaw, anong gusto mong maging?

4 thoughts on “Pag laki ko, gusto kong maging…

  1. Nakaka inspire naman to….. Ako dati gusto kong maging ballet dancer, Kasi sabi ng mama ko flexible daw ang katawan ko, kaso sabi ng ate ko mataba daw ako masyado para don. Ngayong malaki nako. Binitiwan ko na ang pangarap kong maging ballet dancer. Pero flexible parin naman ako, pero napagdesisyunan ko na na magiging bonggang Architect nalang ako😀

    Like

  2. Thanks for reminding me this! Nakalimutan ko na din kasi ang pangarap ko before. Sapul lang ako ng simpleng storya na ito at gusto kong balikan ang panahon na libre ang mangarap. Sabi nga nila faith without action is dead🙂

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s